-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa kapwa niya senador na si Ronald “Bato” dela Rosa na igalang ang batas at makipagtulungan sa mga awtoridad kasunod ng mga ulat na “enforceable” na ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Kaugnay ito ng sinabi ng Department of Justice na maaari nang ipatupad sa bansa ang naturang warrant. Kasabay nito, hindi rin pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng kampo ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) na sana ay pipigil sa implementasyon nito.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Hontiveros na dapat manaig ang “rule of law” at igalang ang mga legal na proseso. Hinikayat din niya si Dela Rosa na sumuko na at makipagtulungan sa mga awtoridad.

Nagpahayag din siya ng panalangin para sa “mapayapa at makatarungang resolusyon” ng sitwasyon na aniya ay may malawak na epekto sa mga institusyon at sa bansa.

Samantala, hindi pa rin nakikita sa publiko si Dela Rosa matapos itong huling dumalo sa Senado noong Mayo 11 matapos kailanganin ang kanyang boto sa nangyaring pagbabago sa liderato ng Senado at noong Mayo 14 ng madaling araw kinumpirma ng mga awtoridad na nakaalis na sa gusali ang senador.