Nahaharap sa reklamong plunder, graft, at indirect bribery si dating Senate President Francis “Chiz” Escudero sa Office of the Ombudsman.
Nabatid na inirekomenda ng Field Investigation Office (FIO) ng Ombudsman noong Abril 16 ang pagsasampa ng kaso laban sa senador.
Sinasabi sa reklamo na umano’y “indirectly received” ni Escudero ang nasa P306 million at P280 million bilang kickbacks mula sa iba’t ibang flood control projects.
Nakabatay ang mga paratang sa testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo, kung saan isinangkot ang isang Maynard Ngu bilang umano’y tagapamagitan at bagman ni Escudero.
Ayon sa dokumento, isinagawa umano ang ilang delivery ng pera noong 2024 at 2025 sa pamamagitan ni Ngu, kabilang ang isang P306-million transaksyon at dalawa pang halaga na P160 million at P120 million.
Sinasabing ang mga proyektong pinagkuhanan ng umano’y kickbacks ay mula sa iba’t ibang lugar tulad ng Metro Manila, Visayas, at ilang probinsya sa Luzon.
Mariing itinanggi ni Escudero ang mga paratang. Ayon sa kanya, wala siyang inatasan na si Maynard Ngu na kumilos para sa kanya, at wala umanong ebidensiyang magpapatunay na natanggap niya ang nasabing pera.
Giit pa ng senador, batay lamang umano ang mga akusasyon sa mga pahayag ng isang indibidwal at hindi sa aktuwal na ebidensya. Binanggit din niya ang umano’y mga hindi magkakatugmang salaysay ni Bernardo sa iba’t ibang affidavit at pagdinig.
Hiniling din ni Escudero sa Ombudsman na huwag bigyan ng immunity si Bernardo at ilang iba pang sangkot, at iginiit na ito ang “pinaka-guilty” sa mga isinangkot sa kaso.
Ang Office of the Ombudsman ang inaasahang magdedesisyon kung isasampa ang kaso sa Sandiganbayan laban sa mambabatas.
















