-- Advertisements --

Hindi pa rin umano makapaniwala si Sen. “Bong” Revilla Jr., sa tuluyang pagpanaw ng kanyang ama at actor turned politician na si Ramon Revilla Sr.

Ayon sa nakababatang Revilla, ito’y kahit pa nagawa niya namang i-let go ang ama sa mga huling sandali nito sa ospital nitong Biyernes, June 26.

Bakas naman ang pagkamis ng 53-anyos na senador sa kanyang 93-anyos na ama kung saan agad itong nag-post online ng kanilang mga larawan.

“Hanggang ngayon hindi po ako makapaniwala sa pagpanaw ng aking ama. Sakit pala talaga! pero.. kailangan nating maging matatag,” ani Revilla Jr.

Bong misses dad

Madalas din ang pag-live nito sa Facebook simula sa unang araw ng pribadong burol nitong Sabado sa kung tawagin ay kanilang Revilla mansion sa bahagi ng Aguinaldo highway sa Bacoor, Cavite.

Kuwento ni Bong na ang naturang mansyon ay bunga ng kinita ng namayapang ama mula lamang sa isang pelikula.

Samantala, inaasahang mas bubuhos pa ang mga kilalang personalidad sa lamay ng “Pepeng Agimat” star.

Kabilang sa mga unang batch ng mga nagsipagdalaw na ay sina Philip Salvador gayundin si Senate Pres. “Tito” Sotto III at isa sa mahigit 70 anak nito na si Antipolo City Mayor Andrea Bautista Ynares.

Sa ngayon ay isinasapinal pa ng malaking angkan ng mga Revilla ang petsa ng libing, pero ito raw ay sa Angelus Cemetery kung saan din nakahimlay ang isa pang celebrity son na si Ramgen.

Si Ramgen ay pinatay noong 2011 ngunit hindi pa natatapos ang paglilitis.

Ilan naman sa napakaraming nagpadala ng bulaklak ay si Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.