Hinamon ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga telecommunication companies na ayusin ang internet connectivity sa bansa at magbigay ng libre o mababang presyo ng kanilang serbisyo sa mga nangangailangang Pilipino.
Sa pamamagitan daw kasi ng hakbang na ito ay mas maraming kababayan natin ang magkakaroon ng access sa quality education, health care at economic opportunities sa kabila ng nananatiling banta ng coronavirus disease.
Kung gusto aniya ng mga ito na tumulong sa bayan ay dapat daw ayusin ng mga internet providers ang kanilang serbisyo.
Para kay Go, upang maging tagumpay ang E-learning, E-commerce, E-health at E-governance ay dapat maging bukas ang pampribadong sktor na makipagtulungan sa gobyerno para sa ikaaayos ng bansa.
Dapat din umano na gawin ng mga ito ang lahat ng kanilang makakaya upang maging mabilis, maayos at maaasahan ang kanilang serbisyo lalo na pagdating sa internet connection na kailangan ng lahat ngayon.
Una nang umapela sa gobyerno at pampribadong sektor ang senador, na siya ring chairman ng Senate Health and Demography Committee, na magtulungan upang makapagbigay ng maayos na internet sa mga Pilipino bunsod na rin ng limitasyon sa mga face-to-face transactions.










