-- Advertisements --

Aarangkad na ngayong araw, Hulyo 22, ang unang araw na transport strike na magtatagal hanggang sa Huwebes, Hulyo 23, bilang protesta sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at sa umano’y kabiguan ng Department of Energy (DOE) na tugunan ang epekto nito sa sektor ng transportasyon.

Ayon sa grupong MANIBELA, hindi na maaaring manahimik ang mga tsuper habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis na lalo umanong nagpapahirap sa kanilang kabuhayan.

Giit pa ng grupo na sa halip na mahigpit na bantayan at papanagutin ang mga oil company, nagiging kuntento na lamang umano ang DOE sa pagbibigay ng paliwanag sa bawat oil price hike.

Binanggit din ng MANIBELA ang mga ulat ng ilang gasolinahang umano’y naubusan ng suplay bago ipatupad ang malaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo, na anila ay dapat agad na imbestigahan ng mga kinauukulang ahensya.

Kasabay nito, nanawagan din ang grupo na papanagutin ang DOE at ang mga kompanya ng langis, habang muling iginiit ang kanilang panawagan para sa pagpapatupad ng dagdag-pasahe upang matulungan ang mga tsuper na makasabay sa patuloy na pagtaas ng mga gastusin.