Nanindigan si Sen. Bong Go na mananatili siya sa minority bloc ng Senado, kahit mag-isa man o may kasama.
Ayon sa kanya, prinsipyo, paniniwala, at paninindigan ang kanyang pinanghahawakan sa gitna ng pagbabago ng liderato sa Senado.
Ito ang pahayag ng senador kasunod ng pormal na pagkakatalaga ng bagong Senate Majority nitong Miyerkules, Hunyo 17.
Giit ni Go, panahon na upang tutukan ang tunay na serbisyo sa taumbayan, lalo na’t ilang linggo ang nasayang sa aniya’y magulo at tila “circus” na sitwasyon sa loob ng Senado.
Muling nanawagan si Go sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno na unahin ang kapakanan ng mga Pilipino, partikular na ang mga dumaranas ng krisis.
Pinasalamatan din niya si Sen. Alan Peter Cayetano at iba pang kasamahan sa minority bloc dahil sa kanilang matibay umanong paninindigan at sakripisyo.
















