Kasunod ng nangyaring mistaken identity shooting incident sa Lungsod ng Navotas, pinaparepaso na ng isang Senador ang police operational procedure.
Ang operational procedure ay ang akmang pamamaraan na sinusunod ng pulisya sa oras na sila ay nagsasagawa sila ng police operation.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, kailangan nang repasuhin ng Philippine National Police (PNP) at Police National Training Institute ang kanilang Program of Instructions sa Public Safety Basic Recruit Course.
Kailangan aniyang maituro ng maayos ang tamang operational procedures sa mga pulis, lalo na ang mga bagong recruit na miyembro.
Ayon sa mambabatas na dati ring nagsilbi bilang PNP Chief, kung hindi maisasaayos ng pambansang pulisya ang programa nila sa mga bagong recruit at maging sa mga matagal na sa serbisyo, maaaring maulit lamang ang nangyari sa Lungsod ng Navotas.
Maalalang sa nasabing insidente ay pinagbabaril ng mga pulis ang binatilyong si Jemboy Baltazar nang mapagkamalan nilang siya ang hinahanap nilang suspek sa isang shooting incident.
Una na ring inumpisahan ng PNP-Internal Affairs Service ng serye ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing kaso, habang ang anim na pulis na sangkot dito ay kasalukuyan nang nakakulong.
Inaasahang sa buwan ng Setyembre pa ilalabas ang desisyon o resulta ng nasabing imbestigasyon.
Binigyang diin ni Sen. De la Rosa na kailangang makulong at mapanagot ang mga pulis na sangkot sa nasabing krimen.