-- Advertisements --

Gumawa na umano ng kanyang affidavit o extrajudical confession ang sumukong suspek na siyang bumaril at pumatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos Jr. nakapaloob daw doon sa affidavit ng 39-anyos na si Joel Salve Estorial ang kanyang pagtukoy sa mga kasamahan na sina Edmon Dimaculangan, Israel Dimaculangan, at isang alyas “Orly” o “Orlando.”

Una nang sumuko si Estorial dahil daw sa takot at nakonsensiya siya matapos maglabas ang pulisya ng P6.5 million na reward sa kanyang ulo.

Samantala kinumpirma rin naman ni Sec. Abalos na batay sa lumabas na ballistic examination sa crime scene doon sa Las Pinas City, nagtugma ang baril na narekober kay Estorial.

Liban nito, nasa pag-iingat pa rin ni Estorial ang damit na kanyang suot noong gabi nang mangyari ang pagbaril niya sa biktima na nakunan ng CCTV sa lugar.