Tiniyak ngayon ng Department of Justice (DoJ) na mababantayan nang maayos ngayon ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa matapos ilipat sa mas secure na holding facility ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Ayon kay Department of Justice (DoJ) Prosecutor General Benedicto Malcontento, sa ngayon ay nanatiling pending pa raw ang mga mosyon nag-ootorisa na mailipat ng detention facility si Kerwin.
Ayon kay Malcontento, noon pang nakaraang linggo nailipat ng piitan si Espinosa.
Naging mitsa nang paglilipat kay Espinosa mula sa National Bureau of Investigation (NBI) holding facility matapos tangkaing tumakas noong Enero 13 sa exhaust fan ng kanyang piitan.
Dahil dito, tinanggal na rin si Espinosa sa Witness Protection Program dahil sa tangka nitong pagtakas maging ng iba pa raw nitong mga paglabag sa loob ng NBI detention facility.
Disyembre noong nakaraang taon nang ibasura ng korte sa Makati ang mga kaso ni Espinosa kasama ang kanyang mga co-accused na si Wu Tuan Yuan (alias Peter Co), Marcelo Adorco at Lovely Impal.
Hindi naman nakalaya ang mga akusado dahil humaharap pa ang mga ito sa iba’t ibang kaso sa ibang bahagi ng bansa.