-- Advertisements --

CEBU – Umapela ng pag-intindi mula sa publiko ang ilan sa mga opisyal ng Cebu City Government kaugnay sa naging desisyon ng Executive Committee na kanselahin ang ilan sa mga religious activities sa 456th Fiesta Señor sa Enero 2021.

Ayon kay Committee on Public Order Chairman Cebu City Councilor Philip Zafra, magiging “crowd-magnet” kasi ang nakasanayan nang prusisyon hindi lang ng mga taga-Cebu kundi kabilang na ang mga bibisita mula sa iba’t ibang lugar.

Iginiit ni Zafra na nais lang ng Cebu City Government at ng mga opisyal ng simbahan na maiiwasan ang posibilidad na mas lalaganap pa ang kaso ng coronavirus sa nakatakdang malaking pagtitipon na mangyayari.

Kaugnay nito, hinihikayat ng opisyal ang mga deboto ng Batang Señor na manood na lang sa online streaming ng selebrasyon at magtungo sa malapit na simbahan sa lugar.

Una nito, napagkasunduan ng Basilica Minore Del Sto. Niño officials, Inter-Agency Task Force, at ng Cebu City Government, na huwag muna ituloy ang ilan sa mga religious activities ng Fiesta Señor matapos na naglabas ng Joint Advisory ang mga opisyal kaugnay sa simpleng selebrasyon ng Senior Sto. Niño sa likod ng pandemic.

Ilan sa naturang mga aktibidad na kanselado ay ang Penitential Walk with Jesus sa Opening Salvo, Penitential Walk with Mary sa last day ng Novena, Traslacion sa imahe ni Santo Niño at Our Lady of Guadalupe, Fluvial Procession, kabilang na rin ang Solemn Foot Procession.

Suportado naman ni Cebu City Mayor Edgardo Labella ang desisyon dahil aniya prayoridad nito ang kaligtasan ng lahat.