ILOILO CITY – Kaagad na naaresto ang suspek sa pagnanakaw sa pamamagitan ng cellphone na tinangay nito sa isang apartment sa Lopez Subdivision, Barangay Q Abeto, Mandurriao, Iloilo City.
Ang nahuli ay si Jessemen Dayanan alyas “Alog,” residente ng Barangay Boulevard, Molo, Iloilo City at nagtatrabaho bilang isang security guard.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Mark Anthony Gesulga, hepe ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na mag-live-in partner ang nakatira sa apartment at nagkataon na walang kasama si alyas Mira nang pinasok ng suspek.
Tinutukan ni Alog ng armas at nilagyan pa ng blindfold ang biktima bago kinuha ang wallet , passport, cellphone at laptop.
Nang palabas na sa apartment ang suspek, dumating ang kinakasama ni Mira na si Carl na tinutukan din ng baril ng suspek at tuluyang tumakas.
Sa tulong ng Mandurriao Police Station at Iloilo City Police Office Intelligence Unit, natunton ang lugar ng suspek dahil sa GPS (Global Positioning System) ng cellphone na ninakaw nito.
Narekober kay Dayanan ang .38 caliber revolver, .22 caliber, mga bala, iPhone 12 Promax, laptop, speaker, Vivo cellphone, at mga ID at ATM cards na pagmamay-ari ng mga biktima.
Nakakulong na sa Mandurriao Police Station ang security guard.