CAGAYAN DE ORO CITY – Kasado na ang seguridad na ipapatupad ng pulisya at ibang puwersa para sa pangkalahatang kaligtasan ng mga deboto na lalahok sa taunang piyesta ng Itim na Nazareno lalo na sa isagawa na traslacion sa pili na mga lansangan sa Cagayan de Oro City bukas.
Katiyakan ito ng Police Regional Office 10 patungkol sa malaking festivity ng simbahang Katolika sa Northern Mindanao partikular ng syudad nitong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PRO 10 spokesperson Police Major Joann Navarro na ibinaba nila ang karagadagang 300 na personahe mula sa kanilang standby force upang mapalakas pa ang seguridad para sa aktibidad.
Sinabi ni Navarro na magpapatupad rin ang Cagayan de Oro City Police Office ng ilang oras na communication signal jamming mismo sa banal na misa sa Senior San Agustin Metropolitan Cathedral hanggang sa translacion ng iconic Nazareno replica.
Bagamat walang ibinigay na estimated crowd ang pulisya subalit handa na ang medical team ng city government kung sakali na mayroong mga deboto na nangangailan ng first aid response sa kasagsagan ng traslacion.
Magugunitang patuloy na naka-full alert status ang buong Mindanao upang masupil ang anumang pananabotahe lalo pa’t sariwa pa sa lahat ang bombing incident na kumitil ng ilang buhay ng katao sa gymnasium ng Mindanao State University main campus sa Marawi City noong Disyembre 2023.