-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – All set na ang isasagawang traslacion sa kapistahan ng Itim na Nazareno na idada-an sa ilang pangunahing lansangan sa Cagayan de Oro City simula madaling araw ng Lunes,Enero 9.

Ito ang pagtitiyak ni Msgr Perseus Cabunoc,Vicar General ng Archdiocese of Cagayan de Oro at kasalukuyang kura paroko ng Sr. Jesus Nazareno Parish na nakabase sa Claro M.Recto Avenue ng syudad.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Cabunoc na nakalatag na ang mahigpit na seguridad na ipapatupad ng state forces habang pangungunahan ng Nazareno Hijos ang traslacion na inaasahan na dadagsain ng libu-libong mga deboto hindi lamang nakabase sa syudad subalit maging sa Visayas at ibang rehiyon ng Mindanao.

Inihayag ng pari na maaring malagpasan pa ang 2019 Nazareno traslacion na nagtala ng 250,000 devotees na naki-prosesyon dahil dalawang taon rin na ipinagbawal ng gobyerno ang selebrasyon epekto ng pandemya na dala ng COVID-19.

Kaugnay nito,mahigpit ang tagubilin ni Cabunoc na bagamat pinahintulutan ng mga parokyano at devotees na makapag-traslacion subalit hindi maaring isantabi ang health protocols laban sa bayrus.

Kung maalala,unang dumating ang replika ng Itim na Poon nang ibinigay ito ng Minor Basilica ng Black Nazarene sa Quiapo taong 2009 at agad naiparada sa mismong kapistahan nito sa Enero 9.

Napag-alaman na tanging panghihiram lang sana sa damit ng Nazareno ang ginawa noon ni Msgr. Rey Manuel Monsanto na consultor ng Archdiocese ng Cagayan de Oro at kura paroko ng parokya ang pakay nito upang magamit ito sa piyesta subalit nag-desisyon ang Minor Basilica ng Black Nazarene na tuluyang ibigay ang replika para sa mga taga-Mindanao at Visayas.