-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ilang linggong minanmanan ng mga kasapi ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang isang security guard bago nila nadakip sa bayan ng Solano.

Bukas, araw ng Lunes ay nakatakdang sampahan ng kaso ang pinaghihinalaan na si Armand Ignacio, 36-anyos, residente ng Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Compehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharapin ng pinaghihinalaan .

Bago ang pagkakadakip ng suspek ay isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa Intel Operatives ng Solano Police Station tungkol sa pagbebenta ni Ignacio ng isang caliber .45 pistol na nagkakahalaga ng P40,000.

Dahil dito nakipagtransaksiyon ang concerned citizen sa pinaghihinalaan at inabisuhan na may bibili sa ibinebentang baril.

Sa isinagawang entrapment operation ay nahuli ang pinaghihinalaan at nakuha sa kanyang pag-iingat ang Caliber 45 pistol na may serial number na N242-6832.

Ang baril ay may isang magazine na may pitong bala at nakuha rin ang buy-bust money na P13,000.

Ayon sa Solano Police Station, mariing itinatanggi ng pinaghihinalaan ang naganap na transaksyon.