-- Advertisements --

Kailangan ding mabigyan ng proteksyon kontra COVID-19 ang mga alkalde ng mga bayan at lungsod dahil maging sila ay exposed din sa virus gaya ng mga frontliners, ayon kay Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Ginawa ni Locsin ang naturang pahayag sa harap ng mga ulat na mayroong ilang mga city at municipal mayors ang nabakunahan na kontra COVID-19 bago raw ang mga medical frontliners.

Nauna nang naglabas ng showcause orders ang Department of Interior and Local Government sa limang alkalde na nabakunahan na ng COVID-19 vaccination bago ang mga prioritized individuals.

Ang mga showcause orders na ito ay pinadala kina Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, T’boli, South Cotabato Mayor Dibu Tuan, Sto Niño, South Cotabato Mayor Sulpicio Villalobos, Legazpi City, Albay Mayor Noel Rasa at Bataraza, Palawan Mayor Abraham Ibba.

Samantala, pinaalalahanan naman nina Health Secretary Francisco Duque III at National Task Force on COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang sambayanang Pilipino na sundin ang priority list sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Bukod kasi sa mga alkalde, ang aktor na si Mark Anthony Fernandez ay nauna rin sa pila ng mga dapat mabakunahan kahit hindi naman kasali ito sa priority list.