Nilinaw ni Office of the Presidential Adviser for Poverty Alleviation, Secretary Lorendo “Larry” Gadon na walang kaalam-alam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang naging hakbang na maghain ng panukala sa dalawang kapulungan ng Kongreso na ikunsidera ang political amendments sa 1987 Constitution partikular ang pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal sa anim na taon.
Ito’y kasunod sa pagsusulong ng Kamara at Senado na amyenadahan ang restrictive provisions ng Saligang Batas.
Ayon kay Gadon ang kaniyang ginawa ay kaniyang personal na desisyon at kaniya lamang ipinapatupad ang kaniyang karapatan bilang isang Filipino.
Isang liham ang ipinadala ni Gadon na naka-address kina Senate President Migz Zubiri at Speaker Martin Romualdez kung saan kaniyang sinabi na ang talakayan sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ay magandang oportunidad din para pag-usapan at pag-aralan ang pagbabago sa political provision.
Kabilang sa iminumungkahi ni Gadon ang pagpapalawid sa anim na taon mula sa tatlong taon ang termino ng mga Kongresista, Gobernador, vice Governor, Board members, Mayor, vice mayor at mga councilors.
Inihayag ng kalihim na ang pagsasagawa ng eleksiyon ay gumagastos ng bilyong halaga ang mga kandidato.
Sa panukala ni Gadon na kaniyang hiniling na dagdagan ang bilang nga mga senador mula sa 24 ay magiging 48 na ito.
Kasama din dito ang pag transition sa parliamentary form of government mula sa Presidential kung saan paghahatian ng Senate President at House Speaker ang posisyon bilang prime minister.