-- Advertisements --

Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano, na kaniya ng naisumite ang listahan ng ma pangalan na kaniyang inirekumenda para maging susunod na PNP Chief, kapalit ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na magreretiro na sa serbisyo sa darating na May 8,2021.

Sa isang mensahe na ipinadala ni Ano, kaniyang sinabi na iisang pangalan lamang ang kaniyang inirekumenda sa Pangulo, subalit ang Pangulo ay may prerogative na pumili na may ranggong Brigadier General na nais niya maging pinuno ng Pambansang Pulisya.

Tumanggi ang kalihim pangalanan kung sino ang kaniyang inirekumenda.

Pero ang nasabing opisyal ay posibleng kabilang sa PNP Command Group kabilang sina Lt Gen. Guillermo Eleazar, deputy chief for administration; Lt Gen. Joselito Vera Cruz, deputy chief for operations; at Lt Gen. Ephraim Dickson, chief of the Directorial staff.

Una ng sinabi ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na ang mga nasabing heneral ay capable para pamunuan ang PNP.

Ayon naman kay Sinas, hinihintay na lamang nito ang approval ng Malacanang sa magiging araw ng kaniyang turn-over and retirement ceremony.

Sina Sinas, Eleazar, Vera Cruz, at Dickson ay pawang mga miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987.