-- Advertisements --

Hindi umano nababahala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sakaling itigil na ng Estados Unidos ang pagbibigay ng tulong sa Pilipinas.

Ito’y matapos maghain ng panukala si Pennsylvania 7th District Representative Susan Wild na itigil ang tulong na ibinibigay ng Amerika sa Pilipias tulad ng mga armas dahil sa aniya’y talamak na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Año, ang Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ay isinusulong ang pagkakaroon ng isang independent foreign policy.

Dahil dito, sinabi ng kalihim na kailangang tumayo sa sariling paa ang Pilipinas at kailangang bumili ito ng sarili niyang armas at huwag umasa sa donasyon ng ibang bansa.

May mga nakalinya na aniyang programa ang DILG para sa revitalization projects ng Philippine National Police (PNP) na aniya’y suportado naman ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Una nang kinumpirma ni PNP vhief Gen. Guillermo Eleazar na nasa P128 billion pondo ang inapubrahan para sa PNP na kanilang gagamitin sa kanilang Revitalization and Capability Enhancement Program na kanilang ipatutupad sa loob ng 10 taon simula sa taong 2022.

Sinabi ni Eleazar na ang nasabing pondo ay gagamitin para sa basic equipage ng PNP, pagtatayo ng 400 police stations, pagbili ng helicopter at eroplano, pagpapalakas sa kanilang crime laboratories, custodial facilities, training institutions, barracks at hospitals.

Kasama din sa nasabing pondo ang pagbili ng mga handguns at assault rifles.