-- Advertisements --
NEDA

Tatlong factor ngayon ang nakikita ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa inaasahan nilang pagbagal ng inflation para sa buwan ng Enero ng kasalukuyang taon.

Ayon kay National Economic and Development Authority Usec. Rosemarie Edillon, kabilang na raw dito ang demand shock, seasonal factor at base effect na hindi na raw present ngayong Enero.

Paliwanag niya, kaya sumipa ang inflation o ang bilis ng paggalaw ng presyo ng mga consumer prices at goods noong buwan ng Disyembre dahil sa dami ng mga namimili noong Pasko.

Maliban dito ay marami pang saradong mga sectors noong nakaraang buwan kaya naitala ang 8.1 percent inflation na pinakamataas sa loob ng 14 na taon.

Ito ay mula sa dating 8.0 noong buwan ng Nobyembre noong parehong taon.

Una rito, sinabi ni National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na ipagpapatuloy daw ng gobyerno na unahing tugunan ang epekto ng inflation dahil nananatili itong hamon hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.

Ang kanilang pagnanais ay bahagi na rin daw ng eight-point socioeconomic agenda na Philippine Development Plan 2023 to 2028 ng Marcos administration.