CAUAYAN CITY – Puspusan pa rin ang search operation ng militar katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang hanapin ang nawawalang Cessna 206 na may sakay na anim na tao kabilang ang isang piloto at limang pasahero.
Kung matatandaan ay 11 araw na ang nakalipas mula ng mapaulat ang pagkawala ng eroplano na nakatakda sanang lumapag sa Maconacon Air Port noong January 24.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niya na sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa Police Regional Office Cordillera para sa karagdagang augmentation ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) para sa rescue team na nagsasagawa ng search and rescue operation sa bahagi ng Site Alpha sa Dicaruyan, Divilacan, Isabela at bahagi ng Maconacon, Isabela.
Aniya, makalipas ang ilang araw ay wala pa ring bakas o indikasyon na poibleng magturo o makapagsabi sa kung ano ang nangyari sa Cessna 206 kaya puspusan pa rin ang ginagawa nilang paghahanap at paggalugad sa iba pang mga lugar maliban sa Alpha site.
Maliban sa Mountain Search and Rescue ay tumutulong na rin sa paghahanap ang Water Search and rescue team sa karagatan upang maghanap ng bahagi o indikasyon na bumagsak sa tubig ang eroplano.
Tiniyak naman ni Capt. Pamittan na hindi sila titigil sa paghahanap hanggat walang nakikitang ebidensya kung ano ang nangyari sa Cessna 206 at sa mga sakay nitong pasahero at isang piloto.