-- Advertisements --
344387871 915313033071709 5102191367305451894 n

Nagpapatuloy ang search and rescue (SAR) operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa apat na nawawalang indibidwal sa karagatan ng Tubbataha, Palawan matapos lumubog ang isang dive yacht o yate noong madaling araw ng Linggo, Abril 30.

Bago ang insidente, umalis ang motor yacht na “Dream Keeper” sa San Remegio, Cebu alas-4 ng hapon noong Abril 27 at nakarating sa Tubbataha reef bandang alas-10 ng gabi ng Sabado.

Ang sasakyang pandagat ay may lulan na 32 katao, 15 sa kanila ay mga tripulante na may 12 pasahero at guests at may limang dive masters na sakay.

Inihayag din ng PCG na nakatanggap ang command center nito ng ulat tungkol sa insidente mula sa kanilang Coast Guard District Palawan dakong alas-6:49 ng umaga at agad nitong ipinadala ang BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) para simulan ang paghahanap sa mga nawawalang pasahero.

Una ng iniulat nitong linggo ng PCG na nailigtas ang 28 katao na lulan ng yate habang apat ang nananatiling nawawala.

Samantala, nakikipagtulungan ang PCG sa Palawan sa management office ng lumubog na yate para maabot at ang pamilya ng mga nakaligtas na pasahero.

Ang Tubbataha reef na isang protected marine park ay isang sikat na diving spot sa Palawan. Tinagurian ito ng mga travel agencies bilang isa sa “most biodiverse” na lokasyon sa Pilipinas at isa sa pinakamagandang diving spot din sa bansa.