-- Advertisements --

Hindi na umano inasahan ng teen gymnastics sensation na si Carlos Edriel Yulo na makakasungkit pa ito ng medalya sa muling pagsabak sa gymnastics event ng South East Asian (SEA) Games ngayong araw.

Ito’y matapos makakuha na si Caloy ng kanyang first ever gold medal sa unang araw pa lamang noong Linggo, Disyembre 1, sa pamamagitan ng kategoryang “all around” sa men’s artistics gymnastics sa total score na 84.900.

Ngayon namang December 3, nasungkit ni Yulo ang kanyang pangalawang gintong medalya matapos manguna sa unang nilahukan na floor exercise sa iskor na 14.700.

Ang mga katunggali nito ay pawang nasa 13 at 12 points ang nakuha.

Pagdating sa pommel horse, silver medal na lamang si Caloy sa iskor na 13.23. Nanguna sa pagkakataong ito ang Malaysia sa iskor na 13.96.

Sa panghuling event ng 19-year old gymnastics sensation ngayong araw, silver medal din si Yulo sa still rings apparatus.

Ayon sa teen gymnast na tubong Pasay City, tanging inasam niya lang ay makapagpakita ng magandang “execution” kahit wala ng medalya.

Bukas, December 4, tatlong medalya pa ang tatangkaing maibigay ni Yulo sa Pilipinas.