Muling binigyang diin ng Department of Education (DepEd) na mayroong awtoridad ang school heads na suspendihin ang mga klase dahil sa matinding init dulot ng El Niño phenomenon.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na kanilang muling ipinapaalala ang naturang polisiya sa pagsuspinde ng mga klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa dahil inaasahang magtatagal pa ang epekto ng El Nino hanggang Mayo 2024.
Una na ngang nagsuspendi ng mga klase ang lokal na pamahalaan ng Negros Occidental sa lahat ng antas simula noong Lunes bilang anticipation sa pagpalo ng heat index sa lugar sa 41 degrees celsius.
Gayundin sinuspendi ang mga klase sa senior high school sa Bacolod city para maprotektahan ang mga estudyante at iba pang staff mula sa mainit na panahon na maaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.
Bilang paghahanda naman sa mainit na panahon, naghanda na ang paaralan sa Metro Manila ng cold water dispensers at working electric fan units at sinuspendi ang outdoor activities.
Sinabi din ng DepEd official na maaaring magsuot ang mga estudyante at mga guro ng komportableng kasuotan maliban sa kanilang uniporme para mabawasan ang init na kanilang nararamdaman sa loob ng paaralan.










