Nagpaliwanag ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa schedule at exemptions para sa ipinapatupad na truck ban makaraang bigyan ng ticket at multahan ang mga truck drivers dahil sa paglabag.
Aabot ng 20 truck drivers ang hinuli at pinagmulta ng hanggang P2,000 sa kahabaan ng EDSA Roxas Boulevard.
Ayon sa ilang drivers, exempted daw sila mula sa truck ban dahil rehistrado sila sa Truck Appointment Booking System ng Manila North Harbor.
Subalit ayon sa MMDA, valid lamang ang rehistro na ito sa Roxas Boulevard at hindi sa EDSA.
Hindi naman kasali sa truck ban ang fuel tankers at may dalang perishable goods o equipments para sa mga proyekto ng gobyerno na may permit.
Ipinapatupad ang ban tuwing alas-6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado.
Samantala, ipinapatupad naman ang 24/7 truck ban mula North Avenue hanggang Magallanes Interchange.
Sinabi ni MMDA traffic chief Bong Nebrija na dahil sa truck ban ay mas naging magaan ang daloy ng trapiko.