Hinamon ng Pilipinas ang China na buksan ang Scarborough Shoal para sa international scrutiny o pagsisiyasat matapos akusahan ang Beijing ng pagsira sa marine environment ng naturang shoal.
Ito ay upang malaman ng mundo kung tinupad nga ng China ang mga obligasyon nito sa ilalim ng international law ayon kay National Security Council spokesperson Jonathan Malaya.
Dagdag pa ng opisyal na maaaring hilingin sa mga third party na environmental groups o maging sa United Nations na gumawa ng fact-finding mission upang matukoy ang sitwasyon sa kapaligiran sa Bajo de Masinloc.
Inihayag din ng NSC official na kinakalap na ang mga ebidensya at impormasyon para sa posibleng pagsasampa ng isa pang kaso, partikular ang environmental case laban sa China dahil sa pagkasira ng coral reefs kabilang na ang harvesting ng endangered giant clams sa disputed waters. Ang mga ito ay isusumite sa Department of Justice at Office of the Solicitor General na siyang magpapasya kung maghahabol ang Pilipinas ng panibagong kaso.
Samantala, binanggit ng tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) for WPS Commodore Jay Tarriela ang umano’y pagsira ng China sa Bajo de Masinloc mula noong 2016.
Aniya, mula noong 2016, naobserbahan na ang mga mangingisdang Tsino na hinihinalang miyembro ng maritime militia ay nagdadala ng maraming higanteng kabibe na idineklarang protevted species na kinuha mula sa Bajo de Masinloc
Bukod pa aniya sa mga aktibidad ng coral harvesting ng China, ang mga nakuhang footage sa ilalim ng tubig noong 2017 ay nagpapatunay na ang kanilang presensya at ecological footprint ay humantong sa pagkasira ng kapaligiran ng dagat sa Bajo de Masinloc.
Noong Hulyo 2018, sinabi ni Tarriela na ang mga Chinese entity ay nag-ipon ng mga walang laman na higanteng kabibe upang iangkla ang kanilang mga service boat sa mababaw na bahagi ng shoal.
Ang mga aktibidad na ito ng mga mangingisdang Tsino ay nagpatuloy hanggang Nobyembre at Disyembre noong 2018.