-- Advertisements --

Mahigpit ang utos ng Supreme Court (SC) sa Commission on Elections (Comelec) at online news site Rappler na maghain na ng kanilang mga komento sa loob ng 10 araw.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa petisyon ng OSG na naglalayong ibasura ang dalawang voter information campaign agreement ng komisyon at Rappler.

Kailangan daw ihain ng mga respondents ang kanilang mga komento sa pamamagitan ng personal service sa kataas-taasang hukuman.

Noong nakaraang linggo nang maghain ng mosyon ang Office of the Solicitor General (OSG) para ipawalang bisa ang Comelec-Rappler memorandum of agreement (MOA) na nagpapahintulot sa news site na maserbisyo sa komisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng election-related information para sa May 9 elections.

Mula noon ay sinuspindi naman ng Comelec ang pagpapatupad ng naturang kasunduan bilang resulta sa naging hirit ng OSG.

Ang petisyon ni Solicitor General Jose Calida ay naihain sa SC ilang araw matapos nitong bantaan ang poll body na haharap ang ito ng kaso kapag hindi nila kakanselahin ang naturang kasunduan.

Ipinunto ni Calida na ang Rappler ay isang foreign corporation at ang partisipasyon nito sa halalan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pinirmahang memorandum of agreement (MOA) ay maituturing na foreign interference o pangingialam ng mga banyaga na paglabag umano sa election laws na nakasaad sa 1987 Constitution.