Pansamantalang pinatigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng Commission on Elections (Comelec) sa pagkakansela sa proklamasyon ng nanalong alkalde sa Agoo, La Union.
Ito ay matapos nga na maglabas ng resolusyon ang Komisyon na noong May 13, 2022 na nagkakansela ng certificate of candidacy ni Franck Ong Sibuma para sa nakalipas na mayoralty elections sa lalawigan noong Mayo 9.
Nakasaad sa inilabas na Notice of Resolution ng Korte Suprema na may petsan July 5 ang pagpapatupad nito ng temporary restraining order at status quo ante order ukol dito.
Kasabay ito ng pansamantalang pagsasaisantabi muna ng ploklamasyon ng Comelec kay Stefanie Ann Eriguel Calongcagon bilang mayor ng bayan Agoo.
Kaugnay nito ay inatasan naman ng korte ang ang mga respondents na kinabibilangan ng Comelec, Alma L. Panelo, at Calongcagon na magkomento sa petisyong inihain ni Sibuma sa loob ng non-extendible period na sampung araw mula sa petsa kung kailan inilabas ang nasabing notice.
Magugunita na una nang ipinroklama ng Municipal Board of Canvassers (MBoC) bilang nanalong alkalde si Sibuma matapos itong makakuha ng 21,364 votes mula sa nakalipas na halalan sa kabila ng pendency ng petition for disqualification na inihain ni Panelo na nagsasabing mayroon umanong misrepresentation sa residency ni Sibuma na lumalabah sa Section 78 ng Batas Pambansa Blg. 881 sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Bagay na pinagbigyan naman ng Comelec sa kanilang resolusyon noong May 13, 2022 dahilan para ipag-utos nito ang kanselasyon sa certificate of candidacy sa pagka-alkalde ni Sibuma.