-- Advertisements --

Inihirit ngayon ng ilang grupo sa Supreme Court (SC) na ideklarang null and void ang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) related policy regulatory issuances kabilang na ang Inter Agency Task Force (IATF) resolution sa mandatory vaccination.

Sa 157 na pahinang petisyon, sinabi ng mga petitioners na unconstitutional ang ang 17 resolutions, ordinances at memorandums.

Isa raw sa mga ito ay ang Resolution No. 148-B, na nagmamandato sa mga onsite workers sa ilang lugar na magpabakuna.

Kapag ayaw naman daw ng mga empleyadong magpabakuna ay kailangan nilang sumalang sa RT-PCR tests at sila ang magbabayad dito.

Ang 15 petitioners mula sa COVID Call to Humanity, Concerned Doctors and Citizens of the Philippines, Legal Lightworkers for Life and Liberty at Juan Dakila Movement ay layon ding makakuha ng temporary restraining order na kailangang iisyu laban sa pagpapatupad ng naturang mga polisiya.

Sinabi ng lead counsel ng grupo na si Atty. Pacifico Agabin na ang mga petitioners ay kinabibilangan ng mga medical experts, pastors, government at private company employees at mga guro.

Isa sa mga naging argumento ng grupo ang umano’y pag-aaral na nagsasabing ang proteksiyon mula sa naturang bakuna ay humihina naman kapag tumagal.

Pero sinabi naman ni National Task Force special adviser Ted Herbosa na puwede itong mangyari pero ang mga indibidwal na bakunado na laban sa COVID-19 ay gagawa pa rin ng antibodies laban sa naturang virus.

Ipinunto rin ng mga petitioners na mayroong mga napabalitang mayroon daw adverse events mula sa bakuna.

Sa panig naman ng Department of Health (DoH), siniguro ng kagawaran na ligtas at epektibo ang naturang bakuna.

Ang mga respondents sa kaso ay ang Inter-Agency Task Force (IATF) at sina Health Secretary Francisco Duque III, Executive Secretary Salvador Medialdea, Interior Secretary Eduardo Año, Transportation Secretary Arthur Tugade, Education Secretary Leonor Briones at Makati City.

Disyembre noong nakaraang taon nang maghain din ng reklamo ang ilang residente ng General Santos City ng reklamo sa IATF dahil sa mandatory vaccination.