LEGAZPI CITY – Nai-turnover na ng mga otoridad sa Albay Park and Wildlife ang nahuling sawa sa Barangay Cruzada sa Lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinarian Dr. Emmanuel Estipona, nakatanggap umano ito ng tawag mula sa 911 Command Center upang magpatulong sa nahuling ahas.
Nakita umano ang hayop habang nag-iikot sa lugar ang mga otoridad sa kasagsagan ng Coronavirus Disease 2019 curfew.
Ayon kay Estipona, agad naman itong rumesponde kung saan naabutan pa ang pulisya sa aktong hinuhuli ang ahas.
Sa laki ng sawa ayon kay Estipona, kakayanin umano nitong lunukin ang isang sanggol habang nasa lima hanggang anim na metro naman ang haba nito.
Dagdag pa ng opisyal na posibleng naghahanap ng makakain ang ahas dahil may mga alagang manok ang residente na malapit sa lugar kung saan nakita ang hayop.
Ipinagpapasalamat naman ni Estipona na nahuli ang ahas na posible sanang nagdulot ng alarma sa mga residente.