
Sunog na nang makita ng mga otoridad ang sasakyang ginamit ng mga suspek sa pananambang kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda kahapon.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo, kaninang madaling araw ay may natanggap na report ang pulisya na nakitang sunog na puting van sa Barangay Uddiawan sa Solano, Nueva Vizcaya.
Bagama’t ang sasakyang ito ang pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek sa naturang ambush incident ay nilinaw ni Fajardo na ito ay kasalukuyan pa ring bineberipika ito ng mga otoridad.
Aniya, sa ngayon ay tinitignan pa ng pulisya ang registration number ng naturang behikulo upang matukoy na kung sino ang nagmamay-ari rito.
Samantala, una rito ay sinabi na rin ni PMaj. Oscar Abrogena ang chief of police ng Bagabag Police Station sa panayam ng Bombo Radyo Philippines na patuloy ang kanilang isinasagawang hot pursuit operation at maigting na pagpapatupad ng mga check point sa buong lalawigan ng Nueva Vizcaya para sa pagtugis sa mga suspek na nasa likod ng nasabing pananambang.
Kaugnay nito ay bumuo na rin ng Special Investigation Task Group ang Nueva Vizcaya Police Provincial Office para tutukan ang imbestigasyon sa naturang krimen.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay sinabi rin ng opisyal na nananatili pa ring palaisipan ang motibo sa likod nang nasabing pamamaril na ikinasawi ng bise alkalde ng Aparri, Cagayan at lima pa nitong mga kasamahan.










