-- Advertisements --
2ndIB

Hinihintay pa ang komento ng Deparment of Public Works and Highways (DPWH) matapos ang insidente nitong Biyernes kung saan pinasabugan umano ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isa nilang sasakyan sa Masbate.

Sa ulat ng Bicol police, tinamaan ng shrapnel ng granada ang sasakyan sa Sitio San Jose, Barangay Jamorawon sa bayan ng Milagros.

Isa sa apat na sakay na mga empleyado ng DPWH sa lalawigan ang nasugatan.

Sa mga larawang kuha ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army, kita ang mga butas na tinamo ng sasakyan.

Ayon sa militar, ang pagpapasabog ay pananakot ng NPA sa mga mamamayan at kontraktor ng Road Construction Project sa nasabing lugar upang makapangikil sa pondo.

Samantala, mariing kinokondena ni 2nd Infantry Battallion, Commanding Officer, Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen ang panibagong karahasan.

Aniya, paiigtingin pa nila ang kanilang Community Support Program para tulungan ang mga taga-Masbate na umunlad ang kabuhayan.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang pahayag ng DPWH sa pangyayari.

Nanawagan naman si Awichen sa mga Masbatenyo na huwag magpapadala sa ganitong pananakot ng NPA, bagkus ay tumulong sa pagpapanatili ng seguridad at katahimikan sa kanilang teritoryo.

Halimbawa rito ang pagbibigay ng impormasyon sa kinauukulan tungkol sa presensiya at gawain ng teroristang grupo saan mang sulok ng probinsiya upang mapigilan ang anumang masamang plano.