-- Advertisements --

Sa darating na Oktubre pa posibleng magbababa ng kanyang desisyon si Davao City Mayor Duterte-Carpio hinggil sa kung tatakbo siya sa pagka-presidente.

Sinabi ito ng Secretary-General ng regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) na si Anthony del Rosario matapos sabihin sa kanila ni Duterte-Carpio na hintayin lamang kung ano ang mangyayari sa darating na Oktubre.

Mababtid na sa Oktubre magsisimula ang filing ng certificate of candicacy para sa May 2022 national at local elections.

Pero dahil sa pahayag na ito ng alkalde ng lungsod ng Davao, sinabi ni Del Rosario na iminungkahi ng mga governors ng HNP na kung maari ay bago pa man matapos ang buwan ng Hulyo ay mayroon na itong desisyon.

Habang hinihintay ang desisyon ng alkalde, sinabi ni Del Rosario na marami ang posibleng mangyari hinggil sa posibleng vice presidential candidate naman ni Duterte-Carpio sa oras na magdesisyon ito na tatakbo sa pagka-presidente sa 2022.

Nauna nang lumipad patungong Davao City si dating presidential candidate at defense secretary Gibo Teodoro Jr. para makipagkita kay Duterte-Carpio, dahilan para umugong pa lalo ang posibilidad nang kanilang tandem sa nalalapit na national elections.

Samantla, nagpahayag naman din ng kanyang kahandaan si House Majority Leader at presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats at Leyte Rep. Martin Romualdez para suportahan si Duterte-Carpio sa posibleng pagtakbo nito sa pagka-pangulo ng bansa.