Siniguro ng Department of Agriculture (DA) ngayong araw na mayroong sapat na suplay ng bigas sa gitna ng nagpapatuloy na epekto ng El Niño phenomenon na nakakaapekto sa lokal na produksiyon ng nasabing produkto.
Ayon kay DA spokesperson at ASec. Arnel De Mesa, mayroong healthy stock at inventory ng bigas para ngayong taon kalakip pa nito ang inangkat na bigas na pupuno sa local production.
Saad pa ng opisyal na iniulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) na nakatanggap ang bansa ng mahigit 600,000 metrikong tonelada ng imported na bigas sa unang 2 buwan ng 2024 o average na 300,000 MT kada buwan.
Mayroon ding produksiyon noong nakalipas na taon na aabot sa 20.06 million MT at inaasahang magsisismula na ring mag-peak ang anihan ng palay ngayong Marso at sa Abril.
Kayat wala aniyang problema sa suplay ng bigas ngayong taon subalit kaakibat nito ay nangako ang DA na kanilang ipagpapatuloy ang monitoring sa mga pinsala at epekto ng El Nino sa ating bansa.