Inilahad ni Bombo International News Correspondent (BINC) Michael Causing sa Bangkok, Thailand ang mga kahilingan nila sa pagpunta doon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Causing, kasama sa mga hangad nilang mapag-usapan ng pamahalaan ng Thailand at ni Pangulong Marcos ay ang pagbuo nila ng kasunduan para hindi matanggal ang mga gurong Pilipino sa nasabing bansa.
Paliwanag ni Causing na sa loob ng 10 taon niyang pagtatrabaho sa Thailand ay naobserbahan niyang hindi maipagtanggol ng mga Pilipinong guro ang kanilang sarili kapag gusto silang tanggalin ng pinagsisilbilhan nilang paaralan kahit hindi pa tapos ang kanilang kontrata dahil walang umanong kasunduan ang dalawang bansa para rito.
Maliban dito, hangad din ni Causing na maipatupad ang standardization na sahod para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Thailand.
Aniya, kahit ang mga benepisyo na dapat na maibigay sa kanila at sapat na proteksyon ay inaasahan nilang tatalakayin ng pamahalaan ng Pilipinas at Thailand sa pagbisita ni Pangulong Marcos.
Samantala, sinabi ni Causing na kung mabigyan ng pagkakataong makausap si Pangulong Marcos ay tatanungin niya ito kung ano ang pwede niyang ipatupad na mga programa para sa mga distress OFWs sa Thailand.
Inihalimbawa ni Causing kung ano ang maitutulong ng pamahalaan ng Pilipinas sa mga mapapauwi, mamatay at maospital na OFW sa Thailand.