-- Advertisements --

Umapela si House Assistant Majority Leader Jam Baronda sa mga kapwa niya mambabatas na ibigay sa Department of Labor and Employment (DOLE) at attached agencies nito ang kinakailangang pondo para sa susunod na taon.

Binigyan diin ni Baronda na malaki ang papel na ginagampanan ng DOLE at mga attached agencies nito lalo na ngayon sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan maraming mga manggagawa, kabilang na ang mga OFWs, ang nawalan ng trabaho.

Ang DOLE ay binigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ng P27.5 billion sa ilalim ng ₱4.506 trillion National Expenditure Program for 2021.

Ang halaga na ito, ayon kay Baronda, ay makakatulong upang sa gayon matulungan ang mga displaced workers na makapagsimula ulit sa buhay o makahanap ng panibagong trabaho.

Ayon kay Labor Assistant Secretary Dominique Tutay, pinaglalaanan nila ng ₱11.1 billion ang kanilang Tulong Paghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program at COVID-19 adjustment measures program (CAMP) para sa susunod na taon.

Sasapat aniya ito para matulungan ang nasa 2 million displaced workers.

Mababatid na sa mga nakalipas na buwan ay nagbigay ang DOLE ng P5,000 cash aid sa mga manggagawang apektado ng pandemya sa pamamagitan ng TUPAD matapos na magsara ang ilang negosyo at opisina bunsod ng community quarantine na ipinatupad sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Sinabi ng ahensya na mahigit 1 million workers nationwide ang nawalan ng trabaho noong Abril lamang.