-- Advertisements --

Nilinaw ni Justice Sec Menardo Guevarra na hindi dapat kasama si Rolito Go sa mga aarestuhin na mga inmate na maagang nakalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) Law.

Ayon kay Guevarra, mayroong desisyon ang Korte Suprema noong Disyembre 2016 na nagpapatibay sa resolusyon ng Court of Appeals (CA) at Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na kumakatig sa Habeas Corpus petition ni Go at ng asawang si Elsa kaya ito napalaya.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Go na nagtapos na ang kanyang pagsisilbi ng sintensiya noon pang Agosto 2013 dahil GCTA Law.

Si Go ay kasama sa mga pinuntahan ng mga pulis sa kanyang bahay kaninang hatinggabi dahil kasama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga high-profile convicts na dapat arestuhin muli ngayong nagtapos na ang deadline ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero hindi na siya naabutan ng mga pulis at sinasabing nakalabas na ito ng bansa.

Si Go ay nakulong dahil sa pagpatay sa De La Salle University (DLSU) student na si Eldon Maguan sa isang road rage incident noong 1991.