Hinatulang guilty ng Sandiganbayan ang dalawang dating public officials dahil sa maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Nasentensiyahan ng 6 hanggang 10 taong pagkakakulong sina dating Leyte 3rd District Rep. Eduardo Veloso at defunct Technology and Resource Center (TRC) legislative liaison officer Rosalinda Lacsamana dahil sa kasong graft at karagdagang 12 hanggang 18 taon bawat isa na pagkakakulong dahil sa kasong malversation.
Nag-ugat ang naturang kaso mula sa maling paggamit ni Veloso ng P24.2 million Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007.
Sa 2017 indictment ng Ombudsman, hiniling ni Veloso ang Technology and Resource Center bilang implementing agency kasama ang Aaron Foundation bilang partner non-government organization for programs na lumabas na ghost projects pala.
Napag-alaman ng Ombudsman base sa obserbasyon ng Commission on Audit (COA) na ang Aaron foundation ay walang financial capability para pamahalaan ang mga proyekto na mayroog capital stock contribution na P68,000.
Maliban sa hatol na pagkakakulong, ipinag-utos ng korte na ibalik nina Veloso at Lacsamana sa gobyerno ang kabuuang halaga ng misused PDAF o Priority Development Assistance Fund na nagkakahalaga ng P24.2 million.