KALIBO, Aklan — Nagpalabas ng bagong patakaran ang lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa paggawa ng sikat na sandcastle sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista na aprubado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang bagong polisiya na magpatupad ng regulation sa sandcastle-building sa loob ng 25+5 meter easement sa dalampasigan at bahagi ng forestland upang pangalagaan ang kalikasan.
Iginiit ni Bautista na layunin nito na mapigilan ang lalo pang pagkasira ng buhangin ng Boracay.
Napag-alaman na ang paggawa ng sand castle sa Boracay ay kinakailangan ng regulatory fee at permit mula sa munisipyo.
Kailangang ang mga gumagawa nito ay nakarehistro sa ilalim ng Boracay Sandcastle Makers Association.
Taong 2018 nang isailalim sa anim na buwang closure ang isla para sa rehabilitasyon.
Patok sa mga turista ang sandcastle sa Boracay na nagbabayad para magpalitrato bilang souvenir.










