-- Advertisements --
image 325

Iniulat ng Commission on Elections na nakahanda na ang ilang malalaking mall sa ibat ibang bahagi ng bansa upang magamit bilang venue sa nalalapit na Brgy at Sanguniang Kabataan Elections 2023.

Ayon kay Comelec spokesman John Rex Laudiangco, nakausap mismo ng COMELEC ang management ng mga nasabing mall at pumayag ang mga ito na gamitin ng komisyon ang kanilang mga pasilidad ng libre.

Kinabibilangan ito ng isang mall sa Albay; isa sa North Edsa, Quezon City; tatlo sa Maynila kung saan dalawa dito ay sa Ermita; isa sa Sucat, Paranaque; isa sa Pasig; isa s aLas Pinas, at isa sa Cebu City.

Ayon kay Laudiangco, maliban sa mga sariling personnel ng COMELEC, tutulong din umano ang mga empleyado ng komisyon sa araw ng halalan.

Sinabi pa ni Laudiangco na ang pangunahing magbebenepisyo sa mall voting ay yaong mga residente sa nasabin lugar.

Pero paglilinaw ng opisyal, maaring ilan din sa kanila ang hindi makakaboto sa mga nasabing mall dahil sa kailangan munang ilipat ang kanilang voting center, habang iminamandato ng batas na kailangan munang konsultahin ang mga botante kung pabor ba silang ilipat sa ibang mga voting center.

Sa kasalukuyan, nakuha na rin ng komisyon ang paborableng kasagutan ng humigit-kumulang 300,000 na botanteng naninirahan malapit sa sampung nabanggit na mall.

Patuloy din umano ang pagkonsulta ng komisyon sa iba pang residente upang alamin ang kanilang saloobin.