Walang konsultasyon na naganap sa pagitan ng PDP-Laban bago ianunsyo ni Sen. Manny Pacquiao na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang kanilang napiling aspirant sa speakership race.
Sa isang ambush interview ng mga mamamahayag, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na siya mismo ay hindi nakonsulta hinggil sa kung sino ang kanyang napiling manok para maging susunod na lider ng Kamara.
Ayon kay Salceda, ang kanyang boto ay para kay Leyte Representative-elect Martin Romualdez.
Sinabi ng kongresista na nasa 40 kongresista mula PDP-Laban ang sumusuporta kay Romualdez para maging Speaker sa 18th Congress.
Iginiit ni Salceda na nasa 178 kongresista na ang nagpahayag ng suporta kay Romualdez.
Pero dahil sinabi ni PDP-Laban National Executive Vice President Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales na humigit kumulang 200 kongresista na ang nagpahayag ng suporta kay Velasco, marahil mayroong nangyaring overlap o may ilang mambabatas na lumagda para sa dalawang kandidato.