Tinanggap na ni House Ad Hoc Committee on MUP Pension Reforms Chairman & Albay Representative Joey Salceda ang mga mungkahi ni Department National Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr hinggil sa military and uniformed personnel o MUP Pension Reform Bill.
Kabilang dito ang 100% indexation sa lahat ng retirado at magreretirong MUP at ang pagsingil ng 9 percent contribution sa mga bagong pasok lamang sa serbisyo kung saan ang 12 percent ay babalikatin ng gobyerno.
Ayon kay Salceda, dahil dito ay madadagdagan ng 1.2 trillion ang actuarial reserve deficiency na nasa 2.2 trillion sa ilalim ng nabuong substitute bill ng komite.
Binigyang-diin ng ekonomistang mambabatas na trabaho niya na maging bukas sa lahat ng stakeholders at anumang suhestyon ukol sa MUP pension system at mainam na pag-usapan sa gabinete.
Sinabi ni Salceda na ang gagawing pag amyenda sa nasabing panukala ay kapag natalakay na ito sa plenaryo.
Nuong nakaraang linggo lusot na sa komite ang Substitute Bill.
Una rito, nagpahayag kasi si Sec Teodoro na tutol siya sa substitute bill sa MUP Pension Reform Bill.
“As Chair of the Ad Hoc Committee, I would like to assure the Secretary that his requests are acceptable. We will adopt the Teodoro proposal of indexation for all retired and retireables and a transitioned contribution scheme. Since the Committee already terminated proceedings, we will introduce this as amendments to the floor instead,” pahayag ni Salceda.