Isinusulong ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd district Representative Joey Salceda na madagdagan ang pondo ng Bureau of Customs (BOC) para sa intelligence gathering ng sa gayon makatulong sa pagsawata ng smuggling at drug trafficking sa bansa.
Ginawa ni Salceda ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs kahapon.
Pinuri ni Salceda ang matagumpay na pagsabat ng Bureau of Customs sa P35.4 billion halaga ng shabu sa Subic port at Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay Salceda, mabuti na lang at nakumpiska ang nabanggit na droga dahil lubha itong delikado at maaring pumatay o sumira sa buhay ng nasa 25 milyong mga Pilipino.
Ang mga nasabat na iligal na droga sa Subic port ay itinago sa mga tea bags, habang nakatago naman sa shipment ng beef jerky ang mga drogang nasabat sa MICP.
Iginiit ni Salceda na mahalagang pag-ibayuhin ang paghihigpit sa mga pantalan sa bansa upang wala ng ilegal na droga na makalusot.
Nagsagawa ng pagdinig ang House Committee on Dangerous Drugs sa pangunguna ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kahapon kasama ang ilang government enforcement agencies upang talakayin ang paggamit sa Subic Bay Freeport Zone bilang entry point ng illegal drugs sa bansa, matapos mayruong nasabat na iligal na droga sa Pampanga.