Target ng House Committee on Ways and Means na maaprubahan sa Lunes ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng exemptions sa anumang uri ng buwis ang mga rewards at donasyon na ibibigay sa mga mananalo sa international sports competitions.
Sa isang statement, sinabi ng chairman ng komite na si Albay 2nd District Representative Joey Salceda na sisimulan nilang talakayin at posibleng aprubahan ang substitute bill sa House Bill No. 9891 o ang “Hidilyn Diaz Act of 2021,” na naglalayong amiyendahan ang Republic Act No. 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
Sa ilalim ng naturang panuakala, ang mga rewards, bonuses, at iba pang uri ng emoluments para sa national athletes at coaches na lalaban o mananalo sa international sports competitions ay dapat bigyan ng exemption sa lahat ng taxes, fees, at charges.
Inihain ang panukalang batas na ito kasunod nang makasaysayang panalo ng gold medal ni Hidilyn Diaz sa weightlifting event nito sa 2020 Tokyo Olympics.
Ito ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa kasaysayan ng Olympics.
“The honor that Filipino athletes have brought to the country this year is immense and historic. So unprecedented is this honor that it appears our laws were unable to anticipate the outpouring of material solidarity from different sectors of society for winning athletes and coaches,” ani Salceda.