-- Advertisements --

Hindi naisama sa 2021 budget ng Judiciary ang alokasyon para sa sahod ng mga Judges-at-Large.

Pag-aamin ito ni Court Administrator Midas Marquez matapos tanungin ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa deliberasyon ng House committee on appropriation sa budget ng Judiciary.

Ayon kay Marquez, bukod sa sahod ng mga Judges-at-Large, hindi rin aniya kasama sa kanilang pondo para sa susunod na taon ang hazard pay ng mga hukom.

Orihinal na nakapaloob aniya ang mga ito sa P55.88 billion na kanilang hiniling sa Department of Budget and Management (DBM).

Pero inalis ang mga items na ito sa P43 billion na nakasaad sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).

Sinabi ni Marquez na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga Judges-at-Large lalo na sa mga lugar sa bansa na may mataas na case load.

Kaya pinrerekonsidera nila sa Kongreso na maibalik ang P244.988 million na alokasyon para sa 60 trial Judges-at-Large para sa second level courts at 40 trial Judges-at-Large sa first level courts.

Gayundin aniya ang P144 million para naman sa hazard pay ng mga trial judges.