Pinaplantsa na ng Department of Tourism (DOT) ang mga ipatutupad na health protocols sa Bohol bilang parte ng kanilang “travel bubble.”
Inaasahan na simula sa Oktubre ay tatanggap na ang Bohol ng mga turista na magnanais bisitahin at makita ang kamangha-manghang chocolate hills at tarsiers.
Batay sa datos ng DOT, nalugi ng P1 billion ang naturang probinsya dahil nasa 85,000 na turista lamang ang nagpunta rito bunsod ng coronavirus pandemic.
Kakakusapin ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang governor ng Bohol upang alamin kung saang parte ng probinsya ito komportableng buksan.
Ipinagmalaki rin ni Puyat na nananatiling COVID free ang Panglao Island sa Bohol.
Bago naman payagan ang mga turista na makapasok sa nasabing lugar ay kailangan muna nilang sumailalim sa RT-PCR test. Mahigpit ding ipatutupad ang health protocols sa mga establisimyento.
Naunang mag-anunsyo ang Boracay at Baguio City na muli itong tatanggap ng mga bisita ngunit may mga limitasyon pa rin.