-- Advertisements --

Kailangang mahigpit na ipatupad ang mga alituntuning pangseguridad kapag muling pinayagan ang pagbibiyahe ng mga public utility vehicles (PUV), ayon kay Sen. Grace Poe, na chairperson ng Senate committee on public services.

Kasabay nito, muling binigyang diin ni Poe na kailangang patuloy na bigyang suporta ng gobyerno ang mga PUV drayber at operators para mapunan ang pagbaba ng kita dahil sa mas kakaunting pasahero na pwedeng sumakay sa bawat biyahe.

“Pag-aaralan natin ang posibilidad ng progresibong pagpasada ng public transport sa mga darating na Linggo,” wika ni Sen. Poe.

“Ang hamon ay kung papaano maibabalik ang karampatang kita ng mga drayber nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan ng lahat sa gitna ng pandemyang ito,” giit ng senador.

Dapat mapairal ang disinfection ng mga pampublikong sasakyan kada biyahe, panatilihing malinis ang kapaligiran, habang laging may sanitation kits sa mga PUVs at tren.

Dapat may mga thermal scanner din sa mga terminal para masigurong ligtas ang bawat pasahero. Nararapat ring mahigpit na maipatupad ang polisiyang ‘no mask, no ride.’

Gagawin ring automated ang pagbabayad ng pamasahe, kung hindi ‘bayad muna bago sumakay’ sa mga jeep at bus.

Nanawagan si Poe sa publiko na gawin ang nararapat upang masunod ang social distancing sa pagsakay sa mga pampublikong transportasyon sa gitna ng pandemya.

“Sa ating mga pasahero, mahalagang panatilihin ang social distancing, laging maghugas ng mga kamay, at magsuot ng mask. Kung hindi, mawawalan ng saysay ang ating pagsusumikap makabangon mula sa krisis na ito,” ani Poe.

Sinabi ng Department of Transportation na naghain na sila ng panukala sa Inter-Agency Task Force para sa halos P3 bilyong pondo kada buwan; kasama dito ang subsidiya sa petrolyo para sa mga drayber na katumbas ng 30 porsyento ng arawan nilang konsumo.

Inanunsyo rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na walang mangyayaring taas-pasahe sa pagbabalik biyahe ng mga pampublikong transportasyon.

Dapat ring pag-aralang maigi ang mga ruta ng PUVs upang hindi magpalipat-lipat ang mga pasahero at gumastos ng mas malaki sa pasahe.

“Naiintidihan natin na meron talagang definite routes, pero hindi lahat pwedeng nag-e-express. Ang mangyayari, tataas ang pamasahe ng mga kababayan natin kung palipat-lipat sila ng sakay,” paliwanag ni Poe.