Dapat umanong magkaroon ng mga safety health officer sa bawat evacuation centers, ngayong madalas ang pagtama ng mga kalamidad.
Ito pahayag ni Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go, kasunod ng babala ng Department of Health (DoH) na posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 dahil sa dami ng mga tao sa evacuation centers.
Sinabi ni Go na kinausap na niya si Health Sec. Francisco Duque III para magtalaga ng mga health officers sa mga evacuation centers at mas ayusin ang mga guidelines sa mga ito.
Ayon pa sa mambabatas, dapat maayos din ang koordinasyon ng national at local government units para matiyak na maiiwasan ang pagdidikit-dikit ng mga evacuees, tulad ng naobserbahan nila sa Marikina City at Bicol region.
Iginiit ni Go na sadyang napakahirap ng buhay ngayon dahil magkakasunod na kalamidad ang nararanasan gaya ng COVID-19 at sinundan pa ng bagyo at matinding pagbaha.
Kaugnay nito ay nanawagan ang senador para sa kooperasyon sa mga mamamayan, partikular sa mga nasa evacuation centers na sumunod pa rin sa mga health protocols para sa kanilang kaligtasan.
















