BAGUIO CITY – Pinasinayaan na ang SAF-44 memorial marker sa Filipino-American Friendship Garden sa Camp John Hay, Baguio City ngayong Day of National Remembrance at kasabay ng ika-limang taong anibersaryo ng Mamasapano Massacre na nangyari noong January 25, 2015.
Sinundan ito ng wreath laying ng mga national at local officials kasama si Mrs. Edna Tabdi, ina ni Police Major Gednat Tabdi na namuno sa 84th Special Action Company ng PNP-Special Aciton Force (SAF) na main assault force ng Oplan Exodus sa Tukanalipao, Mamasapano laban sa international most wanted Malaysian bomb maker na si Marwan.
Umaasa si Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Manuel Felix na magsisilbi ang memorial bilang tagapagpaalala sa mga tagapagtanggol ng bayan at mga sakripisyo ng mga ancestors.
Magsisilbi rin umano ang marker na proud reminder ng Igorot warrior tribe.
Sinabi naman ni Mrs. Tabdi na makakatulong ang nasabing memorial para maibsan ang lungkot na nadarama nila dahil sa pagpanaw ng kanilang mga bayaning anak matapos ang limang taon.
Laking pasasalamat aniya na may tagapaalala na ngayon sa sakripisyo ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng nasabing monumento.
Maaalalang 15 sa 44 na elite troopers na nasawi sa Mamasapano Massacre ay taga-Cordillera Region.
Dumalo din sa seremonya si PSSgt. Christoper Lalan na siyang lone survivor mula sa 55th Special Action Company na nagsilbing blocking force ng main assault force ng Oplan Exodus.