-- Advertisements --
prigozhin

Inilibing na ang lider ng Russian mercenary group na Wagner na si Yevgeny Prigozhin sa St. Petersburg sa Russia nitong Martes.

Naging pribado ang libing ng Wagner leader na inihimlay sa may Porokhovskoe cemetery.

Inilibing si Prigozhin sa tabi ng puntod ng kaniyang ama. Makikita sa libingan din ng Wagner leader ang itim, dilaw at pulang bandila.

Pinaghahandaan naman ng mga awtoridad ang posibleng mass pilgrimage sa libingan ni Prigozhin.

Kasabay ding inilibing ang top deputy ni Prigozhin na si Valery Chekalov na kasama sa nasawi sa plane crash na inihimlay sa Severnoe Cemetery.

Samantala, hindi naman dumalo si Russian President Vladimir Putin sa libing ni Prigozhin sa kabila pa ng naging mahalagang papel ng mandirigma ng Wagner sa malawakang invasion nito sa Ukraine mula noong Pebrero 2022.

Matatandaan, nakumpirmang patay na ang Wagner chief kasama ang kaniyang kanang kamay na si Dmitry Utkin matapos lumabas ang resulta ng genetic analysis sa lahat ng 10 kataong lulan ng bumagsak na private jet noong Agosto 23 malapit sa Moscow.

Nauna na ring itinanggi ng Kremlin na sila ang nasa likod ng pagkamatay ng Wagner leader.