DAVAO CITY – Nakahanda na ang lungsod ng Davao sa muling pagbubukas ngayong araw sa Roxas night market matapos ang anim na buwan na pagsasara dahil sa ipinatupad na lockdowns at movement restrictions upang mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus disease (COVID-19).
Alas-5:00 mamayang hapon magbubukas ang Roxas night market hanggang alas-11:00 ng gabi.
Pangungunahan ng Davao City Police Office (DCPO), Public Safety and Security Command Center (PSSCC), Task Force Davao at City Health Office (CHO) ang pagpapatupad ng seguridad at health protocols base na rin sa kautusan ng lokal na pamahalaan kung saan kailangan na sumunod ang publiko at mga vendors.
Ayon pa kay DCPO Director Police Colonel Kirby John Kraft mahigpit na ipapatupad ang no-backpack policy, pagdala ng mga non-transparent water containers at pagsusuot ng jackets bilang bahagi ng culture of security.
Kabilang rin sa ipapatupad ang pagsasailalim sa facial recognition kung saan kailangan ibaba sa loob ng tatlo hanggang limang segundo ang facemask.
Kailangan ding magdala ang mga Roxas night market-goers ng identification cards (IDs) para magamit sa security at contact tracing.
Bilang bahagi naman ng health protocols, kailangan na magsuot ng facemask ang mga tao at face shields maliban kung ito ay kakain at kailangan na ipatupad ang two-meter distance sa bawat isa.
May nakalagay na rin na mga Handwashing stations at footbaths sa lugar at aasahan ang mga personahe ng otoridad ito ay para hindi makalusot ang masasamang loob.